[Katipunan ng Mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP) statement]

Pinakamainit na pagbati, mga Iskolar ng Bayan! Nagbukas na naman ang bagong semestre at kasabay nito ang panibago na namang hamon sa ating mga Iskolar ng Bayan na harapin ang iba’t-ibang usaping kinakaharap hindi lamang ng Unibersidad ng Pilipinas kung hindi pati na rin ng buong sambayanang Pilipino. Sa harap ng kabi-kabilang isyung kinakaharap natin kagaya ng papatinding pang-ekonomiyang krisis, ang walang habas na pagtaas na presyo ng mga bilihin at matinding kahirapang hinaharap ng mamamayan, ang kabiguan ng kasalukuyang rehimeng Arroyo na tugunan ang tungkulin nito sa mamamayang Pilipino at ang pasismong hinaharap nito sa mga mamamayang lumalaban para sa ating mga demokratikong mga karapatan; ngayon, higit kailanman ang panahon upang sama-samang kumilos, mangahas at manindigan!

Ang taong ito ang nagmamarka ng pangalawang taon ng pagpapatupad ng pagtataas ng matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas: mula sa Php 300 per unit ay naging Php 1000 per unit sa autonomous units at mula sa Php 200 per unit ay naging Php 600 naman para sa mga regional units sa kabila ng matinding pagtutol ng mga estudyante; kasama pa dito ang nakaambang taunang pagtataas ng matrikula ayon sa inflation rate. Habang napakataas ng binabayaran ng mga Iskolar ng Bayan, nanatili namang lugmok ang kalagayan ng iba’t-ibang kolehiyo sa iba’t-ibang yunit ng Unibersidad ng Pilipinas; nariyan ang pakikigamit ng mga kapwa nating mga Iskolar ng Bayan sa UP Visayas Cebu College ng mga libro sa aklatan ng ibang unibersidad sa Visayas, ang pagpapalipat ng mga estudyante sa kursong Chemical Engineering sa UP Visayas School of Technology sa UP Diliman at UP Los Banos dahil sa kakulangan ng mga pasilidad at instruktor at ang laganap na kakulangan sa mga pasilidad sa buong UP system: ito ang tunay na kalagayan ng Unibersidad ng Pilipinas.

Malinaw at kapansin-pansin na ang mga batayang ginamit ng administrasyon, kagaya ng pangako ng pagkakaroon ng maayos na mga pasilidad upang itaas diumano ang kalidad ng edukasyon, upang ipatupad ang pagtataas ng matrikula ay walang saysay. Ang mapanlinlang na Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) ay hindi naman naging sagot upang ampatin ang malakas na tama ng pagtataas ng matrikula sa mga Iskolar ng Bayan, bagkus ay mas lalo lamang nitong siniguro na maraming mga estudyante ang magbabayad ng mas mahal na matrikula. Ang pagtataas ng matrikula ay lalo lamang nagpapahirap sa mga iskolar ng bayan; lalo pa itong naglalayo sa maraming mga kabataang Pilipino sa dekalidad na edukasyon at bumabangga sa prinsipyo ng demokratiko at pinakamalawak na partisipasyong dapat ay tinatanganan ng Unibersidad ng Pilipinas. Sa gitna ng pang-ekonomikong krisis na kinakaharap ng ating bansa mas lumalakas at tumitindi pa ang ating panawagang i-rollback ang tuition.

Sa ika-isandaang taon ng UP, inaasahan pa ang papatinding komersyalisayon ng edukasyon sa porma ng pakikipagsabwatan sa mga pribadong korporasyon upang gamitin at pagkakitaan ang mga lupain at ari-arian ng Unibersidad ng Pilipinas at pagpapapasan sa mga Iskolar ng Bayan sa responsibilad ng estado na maglaan ng badyet sa edukasyon sa pamamagitan ng pagtataas at pagkakaroon ng sari-saring bayarin kagaya ng mga hindi maipaliwanag na Laboratory fees at iba pang mga bayarin. Ngunit hindi bulag ang mga Iskolar ng Bayan sa mga kaganapang ito. Sa bawat pagtapak sa ating mga karapatan, tanging malakas at nagkakaisang pagkilos lamang ang ating sandigan.

Sa papatindi pang komersyalisayong tinutungo ng Unibersidad ng Pilipinas nangangahulugan din ito ng papatindi pang represyong ipatutupad ng administrasyon laban sa mga Iskolar ng Bayan na patuloy na kumikilos at lumalaban para sa ating mga karapatan; ang represyong ito ay bunga ng nagbabanggaang interes ng administrasyon na patuloy pang kumita ng mas malaking halaga mula sa atin at ang matagal nang ipinaglalaban ng mga Iskolar ng Bayan””ang karapatan sa edukasyon. Sari-saring mga mekanismo at polisiya ang ipinatutupad ng administrasyon upang ilayo ang mga Iskolar ng Bayan sa malakas at organisadong pagkilos; nariyan ang pagbabawal sa paglulunsad ng mga kilos protesta sa mga gusali ng unibersidad kagaya ng AS lobby sa UP Diliman, pagtanggal sa karapatan ng mga University Student Council na mahawakan ang programa ng Freshmen Welcome Assembly kagaya ng nangyari sa UP Baguio, harapang pambabastos sa mga institusyong bunga ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante kagaya ng pagde-delay sa eleksyon ng mga konseho ng mga mag-aaral sa UP Los Banos at sa pagtatalaga ng editor-in-chief ng UPLB Perspective.

Ang mga nabanggit na mekanismo at polisiya ay ilan lamang sa mga konkretong manipestayon ng pagtapak sa mga demokratikong karapatan ng mga Iskolar ng Bayan. Kamakailan lamang, bilang diumano’y regalo para sa ika-isandaang taon ng Unibersidad ng Pilipinas, ay ipinasa ang bagong UP Charter. Ang bagong UP Charter na ito ay mas lalo lamang magpapatindi sa komersyalisasyong kasalukuyang tinutungo ng unibersidad at magsisigurado pa ng mas pagpapaliit sa puwang para sa paglaban ng mga Iskolar ng Bayan para sa ating mga demokratikong karapatan. Isa sa mga tampok na probisyon ng bagong UP Charter ay ang pagpapasailalim ng mga batas na gagabay sa pagpili ng kaisa-isang rehente ng mga estudyante (Student Regent) sa isang referendum.

Ang rehente ng mga estudyante o ang Student Regent (SR) ay ang kaisa-isang kinatawan ng halos nasa limampung libong estudyante sa buong Unibersidad ng Pilipinas sa loob ng Board of Regents ““ ang pinakamataas na kapulungang nagtatakda ng mga polisiyang ipatutupad sa unibersidad. Ang rehente ng mga estudyante (SR) ang pangunahing boses ng mga Iskolar ng Bayan pagdating sa mga usaping makaaapekto sa ating mga estudyante. Kung ating babalikan ang makulay at militanteng kasaysayan ng kilusang kabataan at estudyante, ang pagkakaroon natin ng kinatawan sa loob ng Board of Regents ay pinagbuwisan ng pawis, pagod at maging buhay ng mga Iskolar ng Bayan na nauna sa atin; ang pagkakaroon ng rehente ng mga estudyante ay bunga ng tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga Iskolar ng Bayan. Ang pagkakapasok sa UP Charter ng probisyon ukol sa pagpapasailalim sa mga batas na gagabay sa pagpili ng Student Regent sa isang referendum ay hindi dumaan sa konsultasyon sa mga estudyante; ang pagpapahirap sa proseso upang magkaroon ng Student Regent ay isa na naman sa mga mekanismo ng administrasyon upang buong-buong buwagin ang kahit anong organisadong pagkilos upang tuligsain at labanan ang papatinding komersyalisayon ng edukasyon sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas.

Napakahalaga ng tungkulin ng mga institusyon ng mga estudyante kagaya ng mga konseho ng mga mag-aaral, organisasyon at publikasyon sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas bilang mga pangunahing nagsusulong at nakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga Iskolar ng Bayan at ng sambayanang Pilipino. Ang mga nasabing institusyon ang kinatawan at nagsisilbing boses ng mga Iskolar ng Bayan sa mga kapulungan kung saan itinatakda ang mga polisiyang nakaaapekto sa buong unibersidad. Ang mga institusyon ding ito ang konkretong manipestasyon ng pag-iral ng demokrasya sa loob ng pamantasan; sa bawat usaping kinakaharap ng unibersidad at ng mga mamamayan, ang mga institusyong ito ang nagsisilbing malakas at nagkakaisang tinig ng mga Iskolar ng Bayan.

Sa sentenaryo ng Unibersidad ng Pilipinas, napakalaking hamon ang kumakaharap sa ating mga Iskolar ng Bayan; sa panahon kung saan papatindi ang komersyalisasyon ng edukasyon at papataas pa ang laban natin para sa ating mga demokratikong karapatan, nanganganib ang institusyon at pangunahing boses ng mga Iskolar ng Bayan sa loob ng Board of Regents. Sa panganganib ng pangunahing institusyon ng mga estudyante sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas kitang-kita ang pagtagos ng pasismo ng estado maging sa loob ng ating unibersidad; nagiging epektibong kasapakat ng rehimeng Arroyo ang administrasyon ng UP upang patuloy pang abandunahin ang responsibilidad nito sa edukasyon. Ang mapanlinlang at tusong hakbang ng administrasyon upang buong-buong apakan ang karapatan ng mga Iskolar ng Bayan ay hindi lamang natin hahayaang basta na lamang maganap. Sa bawat bigwas ng pasismo na ipamamalas ng sabwatang UP administration at rehimeng Arroyo upang buwagin ang ating hanay ay mas malakas at matinding sama-samang pagkilos ang magiging sagot nating mga Iskolar ng Bayan!

Ipaglaban ang ating mga demokratikong karapatan!
Ipagpatuloy ang laban para sa pag-ro-rollback ng tuition!
Sama-sama nating protektahan ang institusyong ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng mga naunang Iskolar ng Bayan!
Ipaglaban ang Opisina ng Rehente ng mga Estudyante na siyang nag-iisa nating tinig sa loob ng Board of Regents!
Wakasan ang kahirapan at labanan ang pasismo ng rehimeng Arroyo!

KASAMA sa UP Member Councils: UP Baguio University Student Council, UPM University Student Council, UPM College of Arts and Sciences SC, UPD University Student Council, UPD College of Arts and Letters SC, UPD College of Education SC, UPD College of Mass Communication SC, UPD College of Fine Arts SC, UPD School of Library and Information Studies SC, UPD Extension Program in Pampanga SC, UPLB University Student Council, UPLB College of Agriculture SC, UPLB College of Arts and Sciences SC, UPLB College of Development Communication SC, UPLB College of Engineering and Agro-Technology SC, UPLB College of Economy and Management SC, UPLB College of Human Ecology SC, UPLB College of Forestry and Natural Resources SC, UPLB College of Veterinary Medicine SC, UPV University Student Council, UPV Cebu College SC, UPV Tacloban College SC, UPV College of Arts and Sciences SC, UPV School of Technology SC, UP Mindanao University Student Council, UP Mindanao College of Humanities and Social Sciences SC

Facebook Comments

Leave a Comment